Tuesday, October 21, 2008

Kung gusto may paraan, Kung ayaw bakit hindi maghanap ng paraan para magustuhan?

Katulad ng isang batang naglalaro ng holen na minimithing manalo at lumamang sa kanyang mga kalaro, dapat ay ganoon din tayo sa ating mga sarili at lalong higit sa ating bansa. Dapat ay may matatag at magandang mithiin tayo nang sa gayon ay may gagabay sa atin sa ating tagumpay.

Ang isang mithiin ay nagsisimula sa isang magandang imahinasyon na maaaring mabuo sa kabila ng mga pagsubok at problemang ating dinadanas. Katulad ng isang bata na nakikipaglaro pa rin kahit alam niya na mas magagaling ang kanyang mga kalaro, dapat ay magkaroon tayo ng positibong pag-iisip kahit na nagmukha na tayong mga walang pag-asa at walang mararating dahil ganito na tayo. Bakit hindi natin gawing inspirasyon ang mga bansang dumanas din ng ganitong klaseng problema dati at ngayon ay maunlad na? Bakit hindi natin itanim sa ating mga isipan na kung kaya nila, ay kaya din natin? Magagawa lang natin ito kung sisimulan natin sa ating mga sarili na alisin ang mga mali at pangit na pag-iisip tungkol sa mga bagay na magagawa natin. Huwag nating pangunahan ng hindi kanaisnais na resultaa ang mga bagay na kailangan nating gawin.

Katulad ng isang bata na sumali sa isang laro hindi para maging una, ikalawa o ikatlong karangalan lang o lalo na ang maging talunan. Dapat gayahin natin ang isang bata na sa bawat tira ay naglalayong tamaan ang holeng kanyang tinitira. Sana sa bawat gagawin natin ay ibigay natin ang buo nating makakaya at itanim natin sa ating isipan na kaya natin ito at mahihigitan pa natin kung ano ang mga nagawa na natin noon. Sana ay huwag na lamang tayo makontento sa mga bagay na nagawa natin na hindi natin naibigay ang lahat. Dapat ay mamuhunan tayo nang malaki nang sa gayon ay malaki din ang malasap nating tagumpay. Hindi ba’t anong saya ng isang bata sa tuwing masasapol niya ang bawat holen at lalong higit kung pagkatapos ng laro ay iuuwi niya ang mga holeng kanyang napanalunan bunga ng kanyang determinasyon at pagsisikap? Sa ating kalagayan ay ganoon din. Matatamasa natin ang lubos na kaligayahan kung sa bawat gawin natin ay naglalayon tayong makuha ang pinakamataas na maaari nating makuha.

No comments: